Tol: Pampanga, ‘culinary capital’ ng Pilipinas dahil sa mga magsasaka
BACOLOR, Pampanga , Philippines — Ang pagkilala sa lalawigan ng Pampanga bilang “culinary capital” ay hindi lamang dahil sa husay ng mga Cabalen sa pagluluto, ayon kay Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino.
Naniniwala si “Tol” na mahalaga rin ang kontribusyon ng mga magsasaka ng probinsya.
“Nagiging masarap ang pagkain ‘di lamang dahil sa mahusay na pagkakaluto nito. Ito rin ay dahil sa mga sariwang sangkap mula sa masaganang aani ng ating mga magsasaka,” ani Tolentino sa kanyang talumpati sa harap ng libong magsasaka mula sa 20 lokalidad ng probinsya.
Isa si Tol sa mga pangunahing may akda ng Senate Bill No. 2797, na opisyal na kumikilala sa Pampanga bilang “culinary capital” ng Pilipinas.
Nasa Pampanga ang senador noong Huwebes ng umaga para samahan si Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pamamahagi ng 2,939 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) sa may 2,487 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ng lalawigan.
“Ang kondonasyon, o pag-ako ng pamahalaan sa pagkakautang mula sa inyong mga sakahan ay malinaw na patunay na kayo’y kinakalinga ng gobyerno. Kinikilala rin ang inyong mahalagang ambag bilang tagapagtaguyod ng bansa,” pagdidiin ni Tolentino.
Sa kanyang talumpati, kinilala rin ng senador ang mga miyembro ng Kamara na dumalo sa pagtitipon; gayundin ang pinuno ng mga lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Vice Gov. Lilia Pineda; at mga opisyal at kawani ng Department of Agrarian Reform sa pamumuno ni Kalihim Conrado Estrella III.
- Latest