P700 milyong serbisyo, cash aid ng BPSF ni Pangulong Marcos ipinamahagi sa 60K beneficiaries sa Samar
CALBAYOG CITY, Samar, Philippines — Umaabot sa 700 milyong halaga ng serbisyo, cash aid ang ipinamahagi ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF), ang flagship project ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ginanap na distribusyon sa Samar nitong Biyernes.
Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pamamahagi ng serbisyo na direkta sa mga taong nangangailangan na ginanap sa Northwest University sa Calbayog City.
“Ito ang patuloy nating tugon sa pagnanais ng ating Pangulong Marcos na ilapit ang serbisyo ng pamahalaan sa ating mga kababayan. Hindi lamang itong programa; ito ay simbolo ng taos-pusong serbisyo at pagkakaisa ng pamahalaan at ng sambayanan,” pahayag ni Romualdez sa kaniyang talumpati.
Sa ginanap na Samar leg ng BPSF ay nasa 62 mga pangunahing ahensiya ng gobyero at 61 namang mga mambabatas sa Kamara ang nag-alok ng mahigit 255 serbisyo. Ang BPSF ay naglaan ng alokasyong P400 milyong cash assistance na ipinamahagi sa mga natukoy na benepisyaryo sa nasabing probinsya.
Kabilang sa programa ay ang pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) ng aabot sa P300 milyon para sa nasa 20,000 indibidwal.
Nasa P316 milyon namang in-kind aid ang ipinamigay rin sa mga benepisyaryong kabuklang ang 110,000 kilo ng bigas, social services, health programa, agricultural aid at regulatory services.Ang pamamahagi ng ayuda sa Samar ay ika-25 bahagi ng program at nasa ika-4th leg sa Region VIII (Eastern Visayas) kung saan 82 lalawigan ang hahatiran ng ayuda ng BPSF.
Naging tampok naman sa BPSF sa Samar ay ang livelihood services na nagkakahalaga ng P255 milyon, educational support na aabot sa P 219 milyon at ayuda sa agrikultura na nasa P30 milyon. Samantala, nasa 9,000 ring benepisyaryo sa lalawigan ang tumanggap ng cash, education at livelihood aid. Nasa 5,000 ayuda bawat benepisyaryo ang ipinamahagi partikular na sa mga estudyante at tig-10 kilo ng bigas.
- Latest