9 na patay kay ‘Pepito’, higit 3 milyong katao apektado

This handout photo released on November 17, 2024 through the courtesy of John Marshal Aquino Facebook page shows residents walking past destroyed houses in Panganiban town, Catanduanes province, after Super Typhoon Man-yi hit the province.
AFP / John Marshal Aquino

MANILA, Philippines — Pumalo na sa 9 katao ang nasawi, 11 ang sugatan, tatlo pa ang nawawala at mahigit 3-milyon ang apektado sa iniwang pinsala ni super typhoon Pepito sa bansa.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Administrator at National Disaster Risk Reduction and Mana­gement Council (NDRRMC) Executive Director Ariel Nepomuceno, kabilang sa mga nasawi ay pitong miyembro ng pamilya sa Ambaguio, Nueva Vizcaya sa kasagsagan ng hagupit ni Pepito.

Sinabi ni ­Nepomuceno na dalawa ang nasawi sa landslide naman sa Asipulo, Ifugao.

Ang isa pa ng nasawi sa Camarines Norte na nakuryente sa nakalaylay na kable ng communication lines na inianunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay hindi pa ibinilang ng NDRRMC sa mga nasawi dahil patuloy umano ang ebalwasyon.

Inihayag ni Nepomuceno na naiwasan sana ang pagkasawi ng mga biktima kung sumunod lamang sila sa preemptive evacuation na ipinag-utos ng NDRRMC.

Sa kabila nito, ­marami pa ring nasagip na buhay dahil nasa 423,780 pamilya ang sumunod sa preemptive evacuation.

Sa patuloy na pinag­hahanap, dalawa rito ay sa Central Luzon at isa sa Cagayan Valley.

Aabot naman sa 820,831 pamilya ang apektado sa magkakasunod na bagyong Nika, Ofel at Pepito.

Samantala, kabuuang P8.64 milyon ang na­pin­sala sa agrikultura at P1.54 bilyon sa imprastraktura.

Show comments