Pulis na sugatan sa buy-bust binisita ni Gov. Fernando

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Personal na binisita kamakalawa ni Governor Daniel Fernando ang sugatang pulis na nakipagbarilan at nakasamsam ng P5,440,000 na halaga ng iligal na droga sa buy-bust operation sa lungsod ng Meycauayan.

Sa pagbisita ni Fernando, pinuri niya ang katapangan sa pakiki­paglaban sa iligal na droga ni PCpt. Jocel Calvario, nakatalaga sa Meycauan Police Station, na kasalukuyang ginagamot sa Meycauayan Doctors Hospital dahil sa tinamong sugat sa kaliwang binti.

Sinasabing ang katapangan ng pulis ay binigyan ng insentibong pinansyal at nakatakdang bigyang pagkilala ng Sangguniang Panlalawigan at ng Provincial Peace and Order ­Council mula sa endorso ng gober­nador.

Agad ding dinalaw mismo ni Bulacan Police director PCol. Satur Ediong ang sugatang pulis para magbigay rin ng suporta, lakas ng loob at insentibo sa kanyang ipinamalas na katapangan at dedikasyon sa serbisyo.

Nasugatan ang pulis sa kanilang isinagawang casing at surveillance operation katuwang ang ilang kabaro matapos paputukan ng isa sa dalawang hinihinalang tulak bandang alas-12:05 ng madaling araw nitong Nob. 17 sa Brgy. Pandayan, Meycauayan, Bulacan.

Show comments