LUCENA CITY, Philippines — Nanawagan si Quezon Governor Dra. Helen Tan ng kooperasyon, koordinasyon at kolaborasyon ng mga lokal na opisyales at kinatawan ng mga ahensya ng pamahalaang nasyunal sa isinarang Lagnas Bridge sa bayan ng Sariaya, Quezon.
Ang panawagan ng gobernadora ay ipinarating sa isinagawang consultative meeting na idinaos sa Provincial Capitol Building.
Ang nasabing pagpupulong ay ipinatawag matapos na ang Lagnas Bridge ay ipinasara ng Department of Public Works and Higways (DPWH)-Quezon 2nd Engineering District Office para sa malalaking sasakyan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga motorista at biyahero.
Matatandaan na nitong Linggo, kinuwestyon ni Tan ang isinagawang total closure ng tulay sa lahat ng klase ng sasakyan kung kaya’t ito ay pinabuksan ng DPWH para lamang sa maliliit na sasakyan.
Bukod sa hindi naabisuhan ang kanyang tanggapan, sinabi ng gobernador na hindi dapat mag-total closure ang mga daan at tulay dahil ito ay makakasagabal sakaling may mga rescue operation na isasagawa sa panahon ng kalamidad.
Base sa napagkasunduan sa pagpupulong, mananatiling sarado para sa malalaking sasakyan ang Lagnas Bridge sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Sampaloc 2, Sariaya, Quezon habang isinasagawa ang rehabilitasyon ng kinatitirikan ng dalawang poste ng tulay na nagkaroon ng malaking bunga ng malalaking agos ng tubig mula sa ilog na may kasamang mga boulders sanhi ng mga nagdaang bagyo.