Storm surge hahambalos sa Luzon! – PAGASA
MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration- Department of Science and Technology (PAGASA-DOST) ang mga nasa Luzon sa inaasahang pagtama ng storm surge o daluyong na may taas na 2.1-3 metro dahil sa patuloy na pananalasa ng super typhoon Pepito.
Sa inilabas na Storm Surge Warning No.10 ng PAGASA sa Tropical Cyclone Pepito kahapon, nagpapahiwatig ng mataas na panganib ng storm surge sa iba’t ibang coastal areas sa susunod na 48 oras.
Nitong Sabado ng umaga, dumanas na ng storm surge ang mga baybaying lugar sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Camarines Norte at Catanduanes, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) Region V kahapon.
Nagdulot ng pagbaha sa Tagas Boulevard sa Brgy. Tagas, San Jose, Camarines Sur, ang storm surge na umabot hanggang sa kalsada at may taas ng hanggang 3-metro o higit pa.
Inihayag naman ni Edgar Posadas, Spokesperson ng Office of the Civil Defense (OCD), 11 sa kabuuang 16 bayan sa Catanduanes ay dumanas ng storm surge.
Sa pagtaya, mahigit 3 metro ang taas ng tubig na dulot ng storm surge ang mararanasan din sa mga probinsiya ng Pangasinan, Aurora, at Quezon na malapit sa baybayin.
Posible rin itong maranasan sa iba pang lugar sa Bataan, Batangas, Cavite, Ilocos Sur, Isabela, La Union, Marinduque, Masbate, ilang bahagi ng Metro Manila, natitirang bahagi ng Pangasinan, natitirang bahagi ng Quezon, ilang bahagi ng Sorsogon, at Zambales.
Ayon sa PAGASA, ang storm surge ay maaring umabot sa sukat na 2.1 metro hanggang 3 metro.
Ang mga lugar naman sa Bataan, Bulacan, Ilocos Norte, Navotas, Pampanga, at ilan ding bahagi ng Sorsogon ay makararanas ng daluyong na aabot naman sa 1 o 2 metro ang taas.
- Latest