Driver inutas ng bespren, isinilid sa drum!
Makulit sa pangungutang ng P1,000
MANILA, Philippines — Dahil lamang sa pangungutang ng P1,000, patay ang isang truck driver sa kamay ng kanyang mismong matalik na kaibigang tricycle driver na nakulitan sa kanya makaraang pagbabarilin sa ulo at isinilid pa ang bangkay nito sa drum sa Brgy. Kanluran, Sta. Rosa City, Laguna.
Ayon kay Sta. Rosa City Police chief Lt. Col. Benson Pimentel, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na may masangsang na amoy na nagmumula sa isang apartment sa nasabing barangay kaya agad nilang pinuntahan at nakita ang isang drum na may naaagnas nang katawan ng tao.
Sa pahayag ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nagtamo ng dalawang tama ng baril sa ulo ang biktima.
Bunsod nito, agad silang nagkasa ng follow-up operation laban sa suspek na may-ari ng bahay na ‘di pa pinangalanan kung saan natagpuan ang bangkay.
Sa ginawang backtracking ng CCTV sa lugar, makikitang nakasakay pa sa tricycle ng suspek ang malaking drum na siyang ginamit umano niya para sa pagtatago sa bangkay ng kaibigan. Agad din siyang umalis sa lugar.
Ngunit sa follow-up operations ng mga pulis, natunton nila sa Tondo, Maynila ang suspek at doon siya inaresto.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nakulitan ang suspek sa pangungutang ng biktima ng halagang P1,000 hanggang magkaroon sila ng pagtatalo.
“Parang pinilit niya ako, nagalit na siya sa akin, ayun nangyari na ‘yung ganun. Aksidente, ‘yun lang ang masasabi ko. Sa pamilya ni Macmac na kaibigan ko, pasensya po talaga kayo sa nangyari hindi ko inaasahan na aabot sa ganung pangyayari,” anang suspek.
Nahaharap ang suspek sa kasong murder.
- Latest