POGO hub sa Cebu, sinalakay ng NBI
MANILA, Philippines — Sinalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Cebu District Office (NBI-CEBDO) sa isinagawang follow-up operations ang sinasabing POGO hub sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Ang naturang operasyon, karugtong ng ginawang joint operation noong August 31, 2024 sa isang POGO hub sa Tourist Garden Hotel sa Brgy. Agus, Lapu-Lapu City, Cebu ng mga element ng NBI-Central Visayas Regional Office (NBI-CEVRO), NBI-Cebu District Office (NBI-CEBDO), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Military Intelligence Group (MIG-7), Philippine Transnational Crime Commission, Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT-7) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD-7), na may halos 169 foreign nationals na karamihan ay Chinese at Indonesians ang na rescue at 16 na Chinese at Burmese nationals ang kinasuhan ng paglabag sa RA 9208 o Trafficking in Persons Act of 2002.
Sa follow-up operation, sa bisa ng hawak na Search Warrants ng NBI sa POGO hub sa Lapu Lapu City, Cebu, pinasok ng mga operatiba ang dalawang gusali sa loob ng compound ng Tourist Garden Hotel na kinakitaan ng mga otoridad ng online illegal activities ng mga foreign nationals.
Dito, nakakumpiska ang NBI ng voluminous computer units at electronic gadgets at ibat ibang vaults sa lugar. Isinailalim din ng NBI sa pagsisiyasat ang Building No. 8, dito na inookopahan ng opisina at bedroom ng POGO operator na si Mr Zhao Shou Qi.
Nakumpiska din dito ng mga otoridad ang mga bundles ng dokumento na patunay ng aktibong operasyon ng POGO ni Qi at iba’t ibang computer units at pitong steel vaults na may lamang mga dokumento at P440,620 at agad nai-turnover sa korte para sa kaukulang ebidensiya sa kasong isasampa laban dito.
- Latest