Pangulong Marcos balik-Camarines Sur, inayudahan mga nasalanta ni ‘Kristine’
MANILA, Philippines — Tinatayang nasa P50 milyong halaga ng ayuda ang naipamahagi mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa may 10,000 Bicolanong magsasaka, mangingisda at mga naapektuhang pamilya ng bagyong Kristine sa kanyang ikalawang pagbisita sa Camarines Sur, kahapon.
Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa Fuerte Camsur Sports Complex, sinabi nito na galing ang pondo sa Office of the President (OP) at ipamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Umaasa ako na sa tulong at suportang iniaabot namin sa inyo ngayon, kayo ay magkakaroon ng sapat na kakayahan upang makabangon muli,” ayon pa sa Pangulo.
Maliban dito, makakatanggap din ng tig-sampung libong piso ang 5,000 magsasaka, mangingisda, at iba pang pamilyang naapektuhan.
Nasa 5,000 beneficiaries ang binigyan ng ayuda ni Pangulong Marcos at sa naturang bilang, tig-600 ang mula sa mga munisipalidad ng Minalabac at Nabua; tig-500 mula sa Milaor at Bula; 450 mula sa San Fernando; tig-400 mula sa Gainza at Baao; 350 mula sa Canaman; tig-250 mula sa Libmanan at Camaligan; at tig-200 mula sa Calabanga at Pili.
Binigyan din ng pinansyal na ayuda ang tig-100 na residente mula sa mga munisipalidad ng Pamplona, Bombon at Magarao.
Iginiit ni Marcos na nagpupursige ang pamahalaan na maibalik agad sa normal ang kondisyon, ang mga nasirang tahanan, imprastraktura, at kabuhayan ng bagyong Kristine.
Nauna na rin namahagi si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel ng P247,442.25 na crop insurance payments sa 10 magsasaka.
- Latest