2 sangkot sa pangingikil sa Bukidnon, sumuko
COTABATO CITY, Philippines — Dalawang kasapi ng New People’s Army na kilalang mga kolektor ng “protection money” sa mga magsasaka sa Bukidnon ang sumuko nitong Biyernes at nangakong magbabagong buhay na.
Kinumpirma nitong Lunes ni Army Major Gen. Allan Hambala, commander ng 10th Infantry Division, ang pagsuko nila Ronie Aryon Bagubay, 47-anyos, at Loloy Abaro Puklawan, 34-anyos, sa isang seremonyang ginanap sa Brgy. Kibungcog sa San Fernando, Bukidnon na magkatuwang na inorganisa ng 89th Infantry Battalion at ng 1003rd Infantry Brigade.
Ayon kay Hambala, pumayag na magbalik-loob sa pamahalaan si Bagubay at Puklawan sa pakiusap ni Lt. Col. Antonio Bulao ng 89th IB at ni Brig. Gen. Marion Angcao, commander ng 1003rd Infantry Brigade, at ng mga datu ng mga etnikong tribo sa Bukidnon.
Sa pahayag nina Bagubay at Puklawan, inisip nilang sumuko na upang makabalik sa kanilang mga pamilya dahil sa takot na madamay pa sa mga kasong maaaring kaharapin ng kanilang mga kumander na maliban sa pangingikil ng pera at sapilitang panghihingi ng bigas sa mga mahihirap na magsasaka ay nagkakanlong din ng mga wanted na dealers ng shabu at marijuana kapalit ng pera.
Unang isinuko ng dalawa ang kanilang mga armas na iM4A1 Carbine rifle at isang KG9 machine pistol, bago sila nanumpa ng katapatan sa pamahalaan sa harap ng mga Army officials at maimpluwensyang mga tribal leaders sa Bukidnon.
- Latest