Computers na kinumpiska sa POGO hub, susuriin ng PAOCC
BAGAC, Bataan, Philippines — Nakatakdang suriin ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga computer unit na nakumpiska sa sinalakay na umano’y POGO hub sa Barangay Parang, Bagac, Bataan ayon kay PAOCC chief at Undersecretary Gilbert Cruz sa isang panayam.
Matatandaan nitong Huwebes, October 31, 2024 nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at PAOCC ang isa umanong POGO hub sa Bagac, Bataan.
Nagpapanggap umano na business process outsourcing firm ang Central One Bataan subalit may mga ebidensya umano na hawak ang ahensya na nagpapatakbo ng POGO ang kumpanya kung kaya nakakuha ng search warrant ang ahensiya mula sa Malolos, Bulacan Regional Trial Court Branch 81 para maisagawa ang pagsalakay
Ayon pa kay Cruz, mag-aapply sila ng isa pang warrant sa korte para ma-examine ang mga computers na ginagamit sa umano’y POGO hub na una ng itinanggi ng ilang mga empleyado na isa lamang umanong BPO.
Giit ni Cruz, wala umanong secondary permit bilang BPO ang naturang establisimyento kung kaya sa pamamagitan ng pag-examine ng mga computers ay malalaman kung mayroon silang mga currency at investment transactions
Pinaghihinalaan ang umano’y POGO hub dahil nasa malayong lugar ang lokasyon nito at nasa tuktok ng bundok nakatayo ang 7-gusali na may 4-palapag, gym at coffee shop at nasa 300 ang kanilang empleyado na pagmamay-ari umano ng isang nagpakilalang Malaysian national.
Nakikipag-ugnayan na ang PAOCC sa DILG upang malaman ang mga lisensya at permit na ibinigay ng lokal na pamahalaan at Provincial Government ng Bataan sa sinalakay na umanoy POGO hub.
Samantala, naglabas ng inisyal na pahayag ang Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) kaugnay sa ginawang raid sa Central One Bataan PH, Inc., na rehistrado sa Freeport Area of Bataan (FAB)
Ayon sa pamunuan, regular nilang isinasagawa ang inspeksyon sa mga rehistradong negosyo rito, upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa mga itinakdang alituntunin at kondisyon na iginawad ng mga otoridad. Hindi pa rin umano nakatatanggap ang AFAB ng mga opisyal na kopya ng nasabing warrant o anumang dokumento na may kinalaman sa insidente.
- Latest