Lalaki pinatay ng kapitbahay na pumatay sa alagang kabayo
MANILA, Philippines — Halos matanggal ang ulo ng isang lalaki matapos pagtatagain ng kanyang kapitbahay na nairita dahil sa paulit-ulit na pagbanggit sa pagpatay sa alaga nitong kabayo sa bayan ng Catmon,Cebu.
Ang nasawing biktima ay kinilalang si Jenelito Pontejon, 46, habang nadakip naman ang suspek na si Felix Abajo, 66, at kapwa residente ng Purok Abocado Maca-as.
Sa report ng Catmon Municipal Police Station, bago nangyari ang krimen, alas-7:00 ng gabi sa nasabing lugar ay namatay ang alagang kabayo ng biktima at inamin ng suspek na siya ang pumatay at nangako na babayaran na lamang niya.
Habang nag-iinuman ang suspek at biktima, paulit-ulit na binabanggit na ang namatay nitong kabayo ay kagagawan ng suspek na nagpanting ang tenga nito.
Dahil dito, kumuha ng itak ang suspek at pinagtataga sa batok ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang krimen, sumuko naman sa pulisya ang suspek sa mga rumespondeng pulis. Nahaharap ngayon sa kasong homicide ang suspek.
- Latest