8 pang rubber boats pinadala sa CamSur
PILI, Camarines Sur, Philippines — Walo pang rubber boats ang tinanggap kahapon ni 2nd District Cong. Luis Ray Villafuerte sa kapitolyo ng Camarines Sur matapos na personal na tawagan nito at humingi ng karagdagang rescue boat kina House Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Cong. Elizaldy Co upang mabilis na mahatiran ng tulong at mapuntahan ang marami pang taong stranded sa iba’t ibang bayan.
Maliban sa gamit na mga helicopter, kailangan ngayon ng lalawigan ang mga bangka upang marating ang mga lugar na hanggang kahapon ay lubog pa rin sa baha at isolated, at hindi pa nararating. Kahit ang mga itinalaga nilang evacuation centers ay napapalibutan din ng tubig kaya mahirap puntahan.
Aabot pa sa 100-barangay mula sa mga bayan ng Gainza, Milaor, San Fernando, Minalabac, Camaligan, Nabua at Baao ang lubog sa mataas na baha.
Dahil sa kakulangan ng magagamit na bangka ng mga LGUs kaya napipilitang magrenta sila sa pribado upang may magamit kaya naisipan niyang magpasaklolo na kina Romualdez at Co.
Prayoridad umano ngayon ang paghahatid muna ng pagkain at tubig sa mga stranded at mga residenteng naipit sa matinding baha.
Ayon kay Salieh Luces ng Ako Bicol Partylist, nasa 24 na sa 47 lahat na rubber boats ang naipadala at nai-turn over nila sa naturang lalawigan. Libu-libong relief goods na rin ang naipahatid ng kongreso sa mga apektadong residente.
- Latest