Batangas landslide: 17 katao nalibing nang buhay!
BATANGAS, Philippines — Labingpito katao kabilang ang 14 na bata ang nalibing nang buhay sa magkakasunod na landslide sa Talisay at Lipa City dahil sa pananalasa ng bagyong Kristine nitong Huwebes.
Ayon kay Patrolwoman Nenette Landicho ng Talisay Police Station, 14 katao kabilang ang 12 na bata ang kumpirmadong patay samantalang anim pa ang nawawala sa Purok B, Barangay Sampaloc, Talisay, nitong Huwebes ng alas-7 ng gabi.
Sa Facebook post ni Talisay Mayor Nestor Natanauan nagpahayag ito ng pagkabahala at sinabing - “Sa pagdaan ng bagyong Kristine, lubos na naapektuhan ang bayan ng Talisay. Sa loob ng dalawang araw na pananalasa nito, nagkaroon ng pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang barangay. Sa kasalukuyan, patuloy ang ating pagmomonitor sa mga indibidwal at pamilyang naapektuhan. Gayundin ang mga ginagawang paghuhukay upang makita ang mga nawawala pang indibidwal at mga bahay na natabunan.”
Sa Lipa City, tatlong magkakaanak na kinilalang sina Marilou Mendoza Llanes, 25-anyos, dalaga, isang overseas Filipino worker (OFW), alyas “Grace”, 10-anyos, student at ang 10-buwang gulang na sanggol na si alyas “Olivia” ang nalibing din nang buhay matapos matabunan ng lupa ang kanilang bahay sa Sitio Tagbakan, Brooklyn Halang, sa kasagsagan ng bagyong Kristine dakong alas-11 ng umaga nitong Huwebes.
Bagama’t sugatan, nagawa namang makalabas bago tuluyang matabunan ang buong kabahayan ang tatlo pang miyembro ng kanilang pamilya na sina alyas “Jimuel”, 16-anyos, estudyante; alyas “Myke”, 15-anyos, estudyante, at si Melanie De Silva Llanes, 38-anyos, ina ng tahanan, isang call center agent.
Patuloy ang retrieval operation ng Lipa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Philippine Coast Guard, mga barangay officials at volunteers upang marekober ang mga nalibing na mga biktima.
Base sa datos ng PDRRMO, 311 pamilya o 1,457 individuals ang nasa mga evacuation centers sa buong Talisay.
Sa buong Batangas, may kabuuang 5,000 families o 17,700 individuals ang nasa 266 evacuation centers at 1,402 families naman ang nasa labas ng official shelters.
Sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) 133 kabahayan ang buong nawasak at 567 bahay naman ang nagtamo ng partial damage dahil sa patuloy na pag-ulan at landslides.
Maliban sa 14 na namatay sa Talisay at tatlo sa Lipa City, mahigit 10 pang indibiduwal ang umano’y nasawi sa iba’t ibang lugar sa Batangas.
Sa text message ni Governor Hermilando Mandanas, nakatakda aniyang magdeklara ng “state of calamity” ang Batangas para mapabilis ang pagpapadala ng tulong para sa mga nasalanta.
- Latest