22 rubber boats, rescue equipment inihatid ng Philippine Air Force sa Bicol
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nasa 22 na rubber boats at flood rescue equipment ang dumating kahapon ng umaga sa Bicol International Airport sa bayan ng Daraga, Albay lulan ng C-130 plane ng Philippine Air Force na ipinadala nina House speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Cong. Elizaldy Co, chairman ng House committee on budget and appropriations upang gamitin sa rescue operations sa mga lalawigan ng Camarines Sur at ilan pang bahang lugar sa rehiyon.
Personal na sinalubong at tinanggap ni Office of Civil Defense-Bicol regional director Claudio Yucot at PRO5 regional director Brig.Gen.Andre Perez Dizon ang 22 na rubber boats kung saan 2 ay mula sa Philippine Army habang ang 20 bagong rubber boats na nakakahon pa, kasama ang outboard motors, iba’t ibang flood rescue equipment, at relief goods ay nagmula umano kay Romualdez at Co.
Pinasalamatan ni Yucot ang dalawang opisyal ng kongreso sa agarang pagtugon at napakalaking tulong umano nito dahil marami pang lugar sa Camarines Sur lalo na sa Naga City ang hindi pa rin napupuntahan ng rescue teams at ayuda dahil sa mataas na baha.
- Latest