Gov. Lagman sinuspinde ng 6-buwan dahil sa ‘jueteng payola’
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Pinatawan ng anim na buwang preventive suspension ng Ombudsman si Albay Gov. Edcel Greco “Grex” Lagman dahil sa mga kasong isinampa ni self-confessed jueteng bagman na si dating Anislag Brgy. Kapitan Alwin Nimo ng bayan ng Daraga dahil sa sinasabing pagtanggap ng “jueteng payola” na umaabot sa P8.16 milyon noong siya pa ang bise-gobernador ng lalawigan.
Kinumpirma ni Gov. Lagman na natanggap niya kahapon ng umaga ang kanyang suspension order mula sa Ombudsman.
Sa pamamagitan ng kanyang post sa Facebook, ibinalita ni Lagman sa kanyang mga department heads at mga kawani sa kapitolyo ang desisyon ng Ombudsman at ipinaalam na si Vice Governor Glenda Ong Bongao ang papalit sa kanya bilang acting governor sa Albay.
Mag-uusap umano sila ng bise gobernador para sa tuluy-tuloy na serbisyo ng kapitolyo. Kung hindi siya makakakuha ng temporary restraining order sa Supreme Court ay babalik siya sa kapitolyo sa Abril 18 sa susunod na taon.
Ayon kay Lagman, haharapin niya ang preventive suspension sa kanya na sinasabi nitong walang “legal basis”. Perfect umano ang timing sa inilabas na desisyon ng Ombudsman dahil malapit na ang halalan.
- Latest