Tatay, anak niratrat na, ginilitan pa!
Mga bangkay, itinapon sa damuhan
MANILA, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang ama at binatilyong anak matapos silang pagbabarilin at ginilitan pa saka itinapon ang kanilang mga bangkay sa damuhang bahagi ng Abra-Kalinga Road sa Licuan-Baay, Abra nitong Sabado ng umaga.
Ang mag-ama na hinihinalang biktima ng extrajudicial killing ay kinilalang sina Alex Borreta at Richard, 17, kapwa residente ng Barangay Agtangao, Bangued, Abra.
Ayon sa Licuan-Baay Municipal Police, alas-10:30 ng umaga nitong Oktubre 12 nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa natagpuang mga bangkay sa Sitio Pasikad, Barangay Bonglo, Licuan-Baay, Abra.
Nadatnan ng mga rumespondeng pulis sa lugar ang mag-ama na magkatabing nakahandusay at may tama ng bala ng baril sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan, at may mga saksak at laslas din ng patalim sa leeg.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang shell casing ng .45 caliber, isang bala ng .45 caliber, at dalawang shell casing ng 5.56 caliber armalite.
Ang mga bangkay ng mag-ama ay dinala na sa Joces Funeral Homes sa Tayum para sa autopsy.
Lumalabas na ang mga biktima ay dating nasangkot sa illegal drugs trade. Ang kanilang bahay ay ni-raid noon ng mga awtoridad dahil sa droga.
Kinondena naman ni La Paz town mayor Joseph Sto. Niño B. Bernos, tumatayo ring national president ng League of Mayors in the Philippines, ang ginawang karumal-dumal na pagpatay sa mag-ama kasabay ng kanyang panawagan sa mga law enforcement authorities na magsagawa ng imbestigasyon at papanagutin ang mga responsable sa pagpatay.
Aniya, ang karahasan ay walang lugar sa Abra at sa ano mang panig ng bansa.
“EJK is a malady in a just society,” pahayag ng alkalde.
- Latest