12-anyos nagpaputok ng kalibre .45 baril sa klasrum
Mga estudyante nabulabog, nagtakbuhan
MANILA, Philippines — Nabulabog ang isang eskuwelahan matapos na walang habas na magpaputok ng baril ang isang 12-anyos na estudyante sa loob ng kanilang klasrum sa Dumaguete City, Negros Oriental kamakalawa.
Ang menor-de-edad na estudyante ay itinago sa pangalang “Junex”, Grade 7 student ng nasabing school.
Sa report ni P/Major Fortunato Villafuerte Deputy Chief of Police ng Dumaguete Police Station, dakong alas-12:42 ng tanghali nang maganap ang insidente sa isa sa mga klasrum ng Negros Oriental High School sa nasabing lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Dumageute City Police, naka-breaktime sa klase ng mga estudyante matapos na lumabas ang kanilang guro sa silid-aralan para mananghalian.
Inilabas umano ni Junex ang kalibre .45 na baril na nakatago sa bag nito saka pinaputok nang sunud-sunod sa may bintana ng kanilang silid-aralan na lumikha naman ng matinding takot sa mga kapwa estudyante.
Nagpanakbuhan ang mga estudyante sa matinding takot habang tumawag naman ng mga pulis ang kanilang mga guro at nasakote ang batang mag-aaral.
Isinailalim na sa kustodya ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng Dumaguete ang bata habang inaalam na ng pulisya kung saan nito nakuha ang nasabing armas, at papanagutin ang nagpabaya.
- Latest