5 na patay kay ‘Julian’, higit 300K katao apektado
MANILA, Philippines — Tumaas na sa lima katao ang naitalang patay habang aabot sa mahigit 300-libong indibidwal ang naapektuhan sa pananalasa ni super typhoon Julian partikular na sa Batanes at Ilocos Region, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo.
Sa report ng NDRRMC, apat sa mga nasawi ay mula sa Ilocos Region at isa naman mula sa Cagayan habang walo ang nasugatan at isa pa ang nawawala at patuloy na pinaghahanap dahil sa matinding hagupit ng bagyong Julian.
Ayon sa NDRRMC, nasa 97,871 pamilya o katumbas na 317,671 katao na naninirahan sa may 912 barangay sa bansa ang naapektuhan ng bagyong Julian.
Sa nasabing bilang, 248 dito ang nagsilikas kabilang ang 72 na nasa mga evacuation centers habang 176 naman ang pansamantalang nanuluyan sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan sa mga ligtas na lugar.
Naitala na 105 ang napinsalang mga imprastraktura sa pananalasa ng bagyo na aabot sa P934.4 milyon ang halaga habang sa agrikultura ay nasa P414.1 milyon ang pinsala at nasa 13,608 na magsasaka at mangingisda ang apektado. Napinsala rin ang nasa12, 343 hektaryang taniman ng maisan, palay at iba pang high value crops.
- Latest