Tagakabit ng tarp ni ‘Ate Vi’ lalaban sa pagka-gobernador
BATANGAS, Philippines — Kung noon ay tagakabit lang ng tarpaulin ng kanyang amo, ngayo’y makakatapat na ng isang dating coordinator si dating Batangas governor at congresswoman Vilma “Ate Vi” Santos-Recto matapos maghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) sa pagka-gobernador ng Batangas para sa 2025 elections.
Ang dating coordinator ni Ate Vi na si Jay Manalo Ilagan ay pormal na naghain ng kanyang kandidatura sa pagka-gobernador ng Batangas kahapon sa Comelec office ng lalawigan.
Si Ilagan ay dating mayor at kasalukuyang vice-mayor sa bayan ng Mataas na Kahoy sa Batangas.
“Ako matagal na suporter ng ating minamahal na Vilma Santos-Recto at ganon nalang ang aking paggalang sa ating dating Congresswoman,” pahayag ni Ilagan.
Nang tanungin kung hindi ba siya nangangamba dahil sikat ang kanyang makakalaban- “I’m ready, 30-years kong pinaghandaan ito at tsaka may bago nang sikat ngayon, si Jay Manalo Ilagan,” pabirong pahayag nito.
Ang bentahe ni Ilagan aniya ay ano mang oras ay makikita siya sa Batangas at maaaring puntahan sa kanyang bahay para tugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga Batangueño at siya mismo ang haharap sa mga tao.
Balak umanong gawin ni Ilagan ang Batangas na parang Singapore kung saan makakadaong ang mga barko mula sa iba’t ibang bansa.
“Meron tayong 10-point agenda para sa edukasyon, kalusugan, magsasaka, turista na kung saan itatatag natin ang Batangas Bay Metropolitan Authority upang maging world class ang Batangas.
Tinanong kung pasaring ba kay Ate Vi ang sinabi nyang lagi syang makikita sa Batangas - “Wala naman, talaga namang ako’y available lang, magkaibigan naman kami ni Ate Vii, matagal akong naging coordinator at tagapagkabit ng tarpaulin ng mga Recto.”
Si Ilagan ay pangatlong kandidato na nag-file ng COC na tatakbong gobernador ng Batangas matapos maghain sina Ate Vi at Mike Rivera.
- Latest