21 pamilyang Blaan, may ‘pig-raising’ ayuda
KORONADAL CITY, Philippines — Nagalak ang mga Blaan leaders sa Tampakan, South Cotabato sa pagkakadagdag ng 21 pang pamilya sa mga benepisyaryo ng “pig-raising” project na inisyatibo ng kanilang tribal council, barangay officials at ng isang pribadong kumpanya.
Sa ulat nitong Lunes ng mga himpilan ng mga radyo dito sa lungsod, mismong si Domingo Collado, indigenous people’s mandatory representative ng mga Blaan sa Sangguniang Bayan ng Tampakan sa South Cotabato, ang nagkumpirma ng pagtanggap nitong nakalipas lang na linggo ng 21 na pamilya sa naturang bayan ng mga biik na bakunado na laban sa African Swine Fever (ASF) at mga feeds bilang livelihood support mula sa Sagittarius Mines Incorporated o SMI at mga kinatawan ng kanilang tribo.
Ang SMI ay kontratado ng national government, may kasulatang pagsang-ayon ng mga Blaan at ng National Commission on Indigenous Peoples, na mag-operate, simula 2025, ng Tampakan Copper-Gold Project sa Tampakan na tinatayang may hindi bababa sa US$ 200 billion na halaga ng copper at gold deposits batay sa pag-aaral ng mga eksperto sa central office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga European mining engineers.
Ayon kay Collado at mga opisyal ng NCIP at DENR sa Region 12 at mga barangay at municipal officials ng Tampakan, hindi pa man nagsisimula ang Tampakan Copper-Gold Project, gumastos na ang SMI ng P2.7 billion nitong nakalipas na pitong taon para sa health, social welfare, education at livelihood projects sa mga magkakalapit na bayan ng Tampakan, Columbio sa South Cotabato, Malungon sa Sarangani at Kiblawan sa Davao del Sur.
- Latest