Habal-habal driver tiklo sa P21.4 milyong shabu!
Delivery ng droga, idinaraan sa Facebook
MANILA, Philippines — Arestado ang isang habal-habal driver na nagsisislbing drug courier matapos na makuhanan ng tatlong kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P21.4 milyon sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa ng gabi sa bayan ng Compostela sa Cebu.
Ayon kay Police Brig. Gen. Anthony Aberin, Police Regional Office-Central Visayas chief, sa joint operation ng Provincial Intelligence Unit-Provincial Drug Enforcement Unit ng Cebu Police Provincial Office at Compostela Police, matagumpay na nadakip ang hinihinalang drug courier na si Francis Serecon Molina, 45-anyos.
Lumilitaw sa imbestigasyon na isinasagawa ang delivery ng illegal na droga sa pamamagitan ng online transactions.
Nabatid na nakilala umano ni Molina sa Facebook ang isang lalaki at pinag-deliver siya ng illegal drugs. Unang delivery umano niya ay nitong Hulyo, 2024 kung saan binayaran siya ng lalaki ng P5,000.
Tinatawagan at nakakausap lamang umano ni Molina ang lalaki kung may ipade-deliver ito sa kanya. Tumanggi naman siyang pangalanan ang nasabing lalaki.
Giit ni Molina, naengganyo lamang siyang tanggapin ang trabaho dahil sa hindi sapat umano ang kanyang kinikita sa paghahabal-habal.
- Latest