Lapu-Lapu City Police chief sinibak sa POGO hub
MANILA, Philippines — Sibak sa puwesto ang hepe ng Lapu Lapu City Police Office (LLCPO) kasunod ng pagkakadiskubre sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa loob ng isang hotel sa Barangay Agus, Lapu-Lapu City.
Nabatid na limang buwan lamang nagsilbi sa puwesto si Col. Ali Baron, bilang hepe ng LLCPO at pinalitan ni Lt. Col. Conrado Manatad ang magsisilbing LLCPO officer-in-charge.
Ayon kay Police Lt. Col. Christian Torres, information officer ng LLCPO, tanggal sa puwesto sina Col. Marlon Santos, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group-Central Visayas, at Col. Gervacio Balmaceda, hepe ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office-Central Visayas (PRO-7).
Bago ito, dalawang pulis din ang sinibak– Major Dindo Alaras, pinuno ng LLCPO Intelligence Unit at Station 4 chief Major Judith Besas.
Nagmula ang utos na tanggalin sila sa national headquarters ng Philippine National Police (PNP), base kay Lt. Col. Gerard Ace Pelare, tagapagsalita ni PRO-7 chief Brig. Gen. Anthony Aberin.
Inalis sila sa pwesto habang gumugulong ang imbestigasyon upang matukoy kung may pananagutan sila sa operasyon ng POGO hub.
Isinagawa ang raid noong Agosto 31 ng National Bureau of Investigation, Presidential Anti-Organized Crime Commission, Department of Social Welfare and Development, Inter-Agency Council Against Trafficking, at ng Bureau of Immigration.
Naaresto ang grupo ng mga dayuhan kabilang ang Chinese, Indonesians, at Burmese sa nasabing operasyon.
- Latest