18 bayan, lungsod sa Negros Occidental binaha, 42,000 katao apektado
MANILA, Philippines — Labingwalong bayan at lungsod ang dumanas ng malawakang pagbaha dulot ng southwest monsoon o habagat habang aabot naman sa 42,000 katao ang naapektuhan sa lalawigan ng Negros Occidental, ayon sa ulat nitong Sabado.
Sa report ng Provincial Disaster Management Team (PDMT) ng Negros Occidental , nasa 13,115 pamilya o kabuuang 42,000 indibidwal ang naapektuhan ng mga pagbaha. Sa nasabing bilang 1,321 pamilya o katumbas na 4,340 katao ang inilikas sa mga evacuation centers.
Naitala naman sa 197 pamilya o 638 katao ang pansamantalang nanuluyan sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan sa ligtas na lugar.
Ang masamang lagay ng panahon na nagdulot ng matinding pagbaha bagaman lumisan na si Tropical Depression Ferdie na nakaapekto sa malaking bahagi ng bansa ay patuloy naman ang mga pag-ulan sanhi ng southwest monsoon o habagat.
Base sa report kabilang sa matinding naapektuhan ng rumagasang mga pagbaha ay ang mga bayan ng Pulupandan, San Enrique, Valladolid, Pontevedra, La Castellana, Isabela, Moises Padilla, Hinigaran, Binalbagan, Ilog, Cauayan, Candoni at Hinobaan.
Gayundin ang mga lungsod ng La Carlota, Himamaylan, Kabankalan, Bago at Sipalay; pawang sa nasabing lalawigan.
Sa Bago City hindi madaanan ng lahat ng uri ng behikulo bunga ng mataas na tubig baha ang Ilijan Bridge sa Brgy. Ilijan gayundin ang Ma-ao Riverside Bridge na umapaw habang apektado rin ng pagbaha ang Sibod Bridge sa Brgy. Sampinit at bahagi ng kalsada ng Brgys. Tabunan at Sampinit .
Ang Bago City na kanugnog ng Bacolod City ang itinuturing na ‘gateway ‘ sa katimugang bahagi ng lalawigan.
Patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods ng lokal na pamahalaann sa mga naapektuhang pamilya.
- Latest