Partylist kay Pangulong Marcos: TUPAD, ipatupad sa mga nakalbong kabundukan
Dahil sa matinding mga pagbaha
BAGUIO CITY, Philippines — Ipinapanukala ng PASADA CC Partylist kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iprayoridad ang pagkukumpuni sa mga nakalbo nang mga kabundukan sa pamamagitan ng programang TUPAD.
Ayon sa partylist group, nararapat nang harapin ng pamahalaan ang pagkaubos ng puno na siyang sumisipsip ng tubig-ulan na dahilan ng matintinding pagbaha sa mga low-lying areas gaya ng Metro Manila, Rizal, Bicol at Davao region.
Ayon kay Alvin Chu Teng, tagapangulo ng PASADA CC partylist, “lubos ang epekto ng mga palagiang pagbaha sa mga mamamayan lalong-lalo na mga karaniwang pasahero, manggagawang mananakay at dahil sa mga ito’y malaking epekto nito sa pagiging produktibo nila at sa buong produksyon ng bansa.”
“Ang suliranin ng bansa sa kapaligiran ay nangangailangan ng pangmatagalan at sistematikong solusyon at hindi band-aid solutions lamang,” ayon kay Teng.
Ipinababatid ni Teng na, bukod sana sa paggugol ng pondo sa pagwawalis sa mga kalsada pagkatapos ng bagyo o sama ng panahon, mas ibaling na ang programa ng TUPAD sa reforestation upang matuldukan ang labis na pagbabaha at maisaayos ang kapaligiran.
“Sa ganitong paraan, hindi reactive, imbes proactive ang mga tugon ng pamahalaan sa matinding pagbaha,” dagdag pa ng opisyal ng PASADA CC partylist.
Ipinapanukala rin ni Teng na dapat nang panagutin ng pamahalaan ang mga sumisira sa mga kabundukan upang magbigay hudyat sa kaseryosohang wakasan na ang pananalasa sa kapaligiran.
- Latest