Sa pagkamatay ng 2 pulis, abogado 2 inarestong suspek sa Tagaytay shootout, pinalaya
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Inutos ng piskalya na palayain sa kulungan ang dalawang umano’y “kasabwat” sa naganap na shootout sa Tagaytay City na ikinasawi ng dalawang police captain at ang kabarilang abogado, nitong Linggo ng hapon.
Sa ulat, sina Elver Mabuti at Benedicto Hebron, isang retiradong sheriff, ay pinalaya matapos silang payagan ng prosecutor para sa kanilang pansamantalang kalayaan, ayon sa insider ng binuong Task Group na nag-iimbestiga sa naganap na barilan.
Ayon sa isang reliable source, nag-isyu ang Prosecutor’s Office ng “release order” para kina Mabuti at Hebron dahil sa “lack of probable cause” o kawalan ng sapat na dahilan at sila ay pinakawalan para sa karagdagang imbestigasyon.
Sinabi ng Task Group official na sina Mabuti at Hebron ay nananatili namang suspek sa krimen.
Magugunita na kasa-kasama sa sasakyan ng abodagong si Denis Santos sina Mabuti at Hebron nang makipagbarilan ang una sa dalawang pulis na sina Capt. Adrian Binalay ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region
(CIDG-NCR) at Capt. Tomas Batarao Jr. ng Calabarzon Police Personnel Holding and Accounting Section, matapos silang magkainitan sa umano’y tangkang pagpasok sa pinag-aawayang lote sa Prime Peak Subdivision sa Brgy. Maitim, Tagaytay City, Cavite nitong Linggo ng alas-2 ng hapon.
Sa kabila nito, sinabi ng source na patuloy ang kanilang imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang anumang pagkakasalang kriminal nina Mabuti at Hebron na anila’y mga “accomplice” sa kaso.
Sina Mabuti at Hebron ay naaresto sa “hot pursuit operation” ng awtoridad sa Tagaytay Medical Center nang kanilang isugod rito ang kasamang si Atty. Santos, kasunod ng madugong pakikipagbarilan ng huli sa dalawang pulis.
Nagsumite na umano ang Task Group ng mga kaukulang dokumento kabilang ang mga testimonya ng mga saksi at larawan, at iba pang ebidensya sa Prosecutor’s Office para sa case build-up sa ilalim ng inilabas na Department Circular 20 ng Department of Justice na nagsasaad ng polisiya sa “pro-active involvement of Prosecutors in case Build-up”.
- Latest