3 ‘kawatan’ todas sa engkuwentro!

Kasalukuyan pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga napaslang na suspek na ang mga labi ay nakalagak sa isang punerarya sa nasabing bayan habang tinutugis na ang isa pa nilang kasamahan na nakatakas.
STAR/File

SAN ANTONIO, Quezon, Philippines — Patay ang tatlong hinihinalang magnanakaw matapos umanong makipagbarilan sa mga tumutugis sa kanilang awtoridad kamakalawa ng madaling araw sa Sitio Bukal, Barangay Santurisan sa bayang ito.

Kasalukuyan pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga napaslang na suspek na ang mga labi ay nakalagak sa isang punerarya sa nasabing bayan habang tinutugis na ang isa pa nilang kasamahan na nakatakas.

Ayon sa ulat, bandang alas-2:30 ng madaling araw habang nagsasagawa ng mobile patrol ang ilang ope­ratiba ng San Antonio Municipal Police Station nang makatanggap sila ng report mula sa isang security guard na si Jayrenol De Chavez na may nagtatangkang magnakaw sa San Antonio Ville Subdivision.

Ayon sa nasabing guwardya, binunutan siya ng baril ng isa sa apat na suspek nang sitahin niya kung kaya’t tumakbo siya at humingi ng tulong sa mga taong nasa lamayan na ‘di kalayuan sa subdivision.

Tinutukan din umano ng baril ng mga suspek ang kapatid ng sikyu na si Jayson kung kaya’t sinugod ng mga tanod at iba pang residente ang mga suspek hanggang na tumakbo sila patungo sa kagubatan at nakipagpalitan ng putok sa mga humahabol sa kanila.

Ayon sa report, dakong alas-11:20 na ng umaga nang marekober sa kagubatan ang mga wala nang buhay na katawan ng mga suspek.

Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at inaalam na rin kung sino ang nakapatay sa mga suspek.

Show comments