Magsasaka, 4 beses tinuklaw ng ahas, tepok

MANILA, Philippines — Patay ang isang magsasaka matapos na matuklaw ng ahas habang nangunguha ng labong sa kawayanan ng Brgy. Lalauanan sa Tumauini, Isabela, ayon sa ulat kahapon.

Sa report ng Isabela Police, kinilala ang biktima na si Primo Gabriel Lungayan, nasa hustong gulang, residente ng nasabing barangay.

Ang bangkay ng biktima ay nadiskubre nitong Biyernes ng umaga sa may kawayanan kung saan may apat na tuklaw ito ng ahas sa katawan partikular na sa kaniyang mga kamay.

Sa pahayag ng pamilya ng biktima sa pulisya ang biktima, nagpaalam nitong Huwebes para manguha ng labong sa kawayanan pero nabigo na itong makabalik sa kanilang tahanan.

Nang hanapin ang biktima ng kaniyang pamilya sa tulong ng ilan ng mga itong kapitbahay ay dito na nadiskubre ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa kawayanan na may mga tuklaw ng ahas na pinaniniwalaang makamandag na siyang kumitil sa buhay ng biktima.

Samantalang wala namang nakitang foul play ang mga awtoridad sa pagkasawi ng nasabing mister.

Show comments