3 katao nagbenta ng lupa sa Koreano timbog sa entrapment
MANILA, Philippines — Dinakip ang tatlong indibiduwal matapos matuklasan ng isang Korean national na ang nabiling lote na pagtatayuan sana ng simbahan ay sa iba nakapangalan, taliwas sa hawak nilang titulo sa Taytay, Rizal, Biyernes ng gabi.
Nakapiit na sa Taytay Municipal Police Station (MPS) at nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ang mga suspek na sina alyas “Antonio”, alyas “Mariano”, at alyas “Anjulie”, pawang residente ng Barangay San Juan, Taytay, Rizal, dahil sa reklamong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code (Estafa).
Sa ulat, dakong alas-6:30 ng gabi ng Agosto 30 nang magtungo sa himpilan ng Taytay Police ang biktimang si Hyeong Chol Lee at testigong si Rodel Saavedra upang ireklamo ang mga suspek.
Sa imbestigasyon, nagpakilala umano ang mga suspek na mga may-ari ng lote na matatagpuan sa Sitio Lumang Ilog at ibinenta kay Hyeong ang titulo nito sa halagang P2.5 milyon. Nagbigay ng paunang bayad na P600,000 noong Marso 2, 2024 at nasundan ng P1,000,000 noong Marso 30.
Nais umano ng biktima na maitayo na ang isang simbahan sa nabiling lote subalit nang suriin ang land title na hawak ay nakapangalan ito sa isang Rafael Ordonez at ang lote ay nasa ibang lugar, sa Sitio Banglad, Brgy. San Juan, Taytay.
Natukoy na ang loteng pinagtatayuan ng biktima ng simbahan ay nakapangalan naman sa magkapatid na Sergio at Virginia Eustaquio.
Nang humirit ng karagdagang P100,000 ang mga suspek nitong Agosto 30, agad na humingi ng tulong sa pulisya ang biktima at ang kasamang Pinoy kaya inilatag agad ang entrapment na nagresulta sa pagkadakip sa mga suspek.
- Latest