2 dalaga, trike driver timbog sa P1.3 milyong ecstasy, P680K shabu

Kinilala ng pulisya ang tatlong suspek na sina alyas “Marlon”, 27 anyos, tricycle driver; at dalawang dalagang sina alyas “Bai”, 21-anyos, at alyas “Claire”, 21-anyos; pawang residente ng Brgy. Paliparan 2, Dasmariñas City, Cavite.
Pixabay

CAVITE, Philippines — Arestado ang tatlong katao kabilang ang dalawang dalaga sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya kamakalawa sa Brgy. Paliparan 2, Dasmariñas City.

Kinilala ng pulisya ang tatlong suspek na sina alyas “Marlon”, 27 anyos, tricycle driver; at dalawang dalagang sina alyas “Bai”, 21-anyos, at alyas “Claire”, 21-anyos; pawang residente ng Brgy. Paliparan 2, Dasmariñas City, Cavite.

Nakatakas naman ang isa pang suspek na kinilala lang sa alyas na “Jomel”.

Sa ulat ng pulisya, alas-10:40 nang ilatag ng pinagsanib na pu­wersa ng PDEA Regional Office 4A, PDEA Cavite Provincial Office, PNP Regional Drug Enforcement Unit-IV A at Drug Enforcement Unit-Dasmariñas City, ang buy-bust operation laban sa mga suspek.

Naganap ang drug deal sa kahabaan ng Molino-Paliparan Road sa gilid ng isang iskul sa Brgy. Paliparan 2 kung saan magkakasamang dumating ang apat na suspek.

Nang magkaabutan ng biniling droga at marked money, dito na agad pinaligiran ng grupo ang mga suspek at dinamba subalit mabilis na nakatakbo si alyas Jomel.

Narekober sa mga naarestong suspek ang isang nakabuhol na transparent plastic bag na naglalaman ng 100 gramo ng shabu na may halagang P680,000, walong resealable transparent plastic bags na may lamang 800 blue tablets na ecstasy na nasa P1,360,000 ang halaga.

Nakumpiska rin sa mga suspek ang dalawang IDs at isang color cyan na Yamaha Fazzio motorcycle.

Show comments