Shabu dealer nasakote sa police checkpoint

Halos natulala ang lalaki nang arestuhin sa police checkpoint nang makuha sa kanya ang mga paketeng shabu na idedeliber sana nito sa kanyang buyer sa isang lugar sa Marawi City.
John Unson

COTABATO CITY, Philippines —Isang rider ang nasabat sa police checkpoint at nasamsam sa kanya ang nasa P408,000 na halaga ng shabu na ­idedeliber sana sa kanyang buyer sa Marawi City, kamakalawa ng umaga.

Sa pahayag kahapon ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nasa kustodiya na ng Marawi City Police Station ang hindi pinangalanang suspect, nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nabatid na patungo sana ang suspect sa bayan ng Mulondo sa Lanao del Sur nang makita ang police checkpoint kaya’t ito ay lumiko para maiwasan.

Subalit napansin siya ng mga nagbabantay na pulis sa checkpoint kaya’t ito ay hinabol hanggang sa masakote.

Nalaman ng mga pulis na kasapi ng Marawi City Police Office na kaya pala umiwas sa checkpoint ang natu­rang motorista dahil may dalang apat na malalaking pakete na may lamang shabu na aabot sa P408,000 na halaga, nakasilid sa kanyang waist bag.

Show comments