Ambush: 2 utas, nene nasapol ng ligaw na bala
COTABATO CITY, Philippines — Dalawa ang patay habang sugatan ang isang menor-de-edad na babae nang mahagip ng ligaw na bala sa isang ambush sa mataong lugar dito sa lungsod nitong hapon ng Huwebes.
Sa ulat ng Cotabato City Police Office kay Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, agad na namatay ang target ng naturang ambush ang biktimang si Jonas Tampla, sanhi ng anim na mga tama ng bala sa ulo at katawan.
Sakay si Tampla ng kanyang motorsiklo nang tambangan ng mga armadong nakaabang sa gilid ng isang bahagi ng Manday Street sa Tanghal Subdivision sa Barangay Mother Bagua.
Isang inosenteng lalaking si Raynon Esgan na nasa malapit sa pinangyarihan ng pananambang ang minalas na tamaan ng ligaw na bala at pumanaw sa Cotabato Regional Medical Center kung saan siya isinugod ng mga emergency responders upang malapatan sana ng lunas.
May tama rin ng bala, ngunit nasa ligtas nang kalagayan, ang isang menor-de-edad na babae na nasapol din ng ligaw na bala, sanhi ng walang habas na pamamaril ng mga tumambang kay Tampla.
Matapos na masigurong patay si Tampla, agad na tumakas ang mga armadong suspek gamit ang mga motorsiklo.
- Latest