Trak ng Sariaya LGU, kinumpiska sa ‘quarry ops’!
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Kinumpiska ng Provincial Mining and Regulatory Board (PMRB) at ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) ang isang dump truck na pagmamay-ari umano ng Sariaya Local Government Unit (LGU) dahil sa paglabag umano sa umiiral na moratoroum sa mga quarrying sa buong lalawigan ng Quezon.
Ang nasabing dump truck ay naglalaman ng 18 kubiko ng mga bato na hinihinalang galing sa paanan ng Mt. Banahaw para gamitin sa proyekto ng lokal na pamahalaan.
Sa isang ulat mula sa QPPO, sinabi ni Col. Ledon Monte na inaresto ang driver ng dump truck na si alyas San Pedro, 51, at ang pahinanteng si alyas Rodelito, kapwa mga residente ng Barangay Sto Cristo, Sariaya Quezon.
Ayon kay Monte, ang ginawa ng mga suspek ay paglabag sa Executive Order No. 20 series of 2024 o An Order Declaring a Moratorium on Quarry Operations in the Municipality of Sariaya na ipinalabas ni Quezon Governor Angelina Tan noong nakalipas na April 29,2024.
Dadalhin na sana ang 18 kubiko ng bato sa proyekto ng lokal na pamahalaa, ayon sa pahayag ng dalawang suspek subalit walang naipakitang kaukulang permit nang sitahin ng PMRB at QPPO operatives.
Kaugnay nito, agad namang pinabulaanan ni Sariaya Quezon Mayor Marcelo Gayeta ang ulat na pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan ang trak na pinigil ng PMRB at QPPO dahil sa karga nitong 18 kubiko ng mga bato na umano’y mula sa quarrying operation sa paanan ng Mt. Banahaw.
- Latest