P6.8 milyong shabu lumutang sa baybayin ng Batangas
BATANGAS, Philippines — Umaabot sa mahigit isang kilo ng pinaghihinalaang shabu o nagkakahalaga ng P6.8 milyon ang natagpuan sa baybayin ng Lian sa Batangas, Martes ng umaga.
Ayon kay Staff Sgt. Arturo Rosales ng Lian Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na may natagpuan ito na isang pakete sa tabing dagat ng Sitio Pigtasin, Barangay Luyahan bandang alas-7:20 ng umaga.
Nang kanilang siyasatin, naglalaman ang pakete ng kulay puting powder na pinaghihinalaang shabu at agad na itinurnover sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Batangas para isailalim sa chemical examination.
Nagsasagawa na rin ng follow-up operation ang Lian Police kaugnay sa narekober na droga.
Matatandaang noong Marso lamang nang makarekober ang Philippine Coast Guard ng mahigit P120 milyong halaga ng cocaine sa mga baybayin ng Surigao del Sur at Surigao del Norte maging sa Eastern Samar.
- Latest