900 mangingisda na apektado ng oil spill sa Cavite, inayudahan ni ‘Tol’
MANILA, Philippines — Nagpaabot ng tulong ang tanggapan ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino sa daan-daang mangingisda sa lalawigan ng Cavite na nawalan ng kabuhayan dahil sa malawakang oil spill mula sa lumubog na MT Terranova sa Bataan.
Sa pangunguna ng mga anak ng senador na sina Tagaytay City Councilor Micko Tolentino at Patrick Tolentino, namahagi ng relief packs ang “Team Tol” para sa 900 na mangingisda sa mga bayan ng Tanza, Naic, at Ternate, Cavite noong Sabado.
Nauna nito, nanawagan si Tolentino sa gobyerno para magpaabot ng tulong at alternatibong kabuhayan sa mga mangingisda mula Bataan, Cavite, Metro Manila, at iba pang coastal communities na sinalanta ng oil spill mula sa lumubog na tanker sa karagatan ng Limay, Bataan noong Hulyo 25.
Naghain din ang senador ng Senate Resolution No.1084 para imbestigahan ng Senado ang sanhi ng paglubog ng MT Terranova, gayundin ang epekto ng oil spill sa sektor ng pangisdaan at sa marine ecosystem.
“Sisiyasatin natin ang puno’t dulo ng oil spill at ang mga pananagutang dapat ipataw, lalo na sa may-ari ng MT Terranova. Hindi lang mangingisda ang nawalan ng kita dahil sa trahedyang ito, pero maging ang mga manininda ng isda at lamang dagat,” paliwanag ni Tolentino.
Tinataya ng Department of Agriculture (DA) na aabot sa P78.69 million ang pinsalang idinulot ng oil spill at sa mga sumunod na fishing ban sa kabuhayan ng 28,373 na mangingisda sa Bataan, Cavite, Metro Manila, at mga karatig na probinsya.
- Latest