Pangulong Marcos ‘Pambansang Pabahay’ inilunsad ng DHSUD sa Mindanao
MANILA, Philippines — Inilunsad ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang dagdag pang proyektong pabahay sa ilalim ng “Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Mindanao.
“Ang utos po ng mahal na Pangulong Bongbong Marcos Jr. ay tutukan ang implementasyon ng 4PH para sa mga kababayan nating mahihirap at patuloy na nangangarap na magkaroon ng sariling tahanan. Dito sa Mindanao, magaganda po ang mga nakaplano nating township developments,” sabi ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar.
Ininspeksyon na ng mga opisyales ng DHSUD ang proposed 4PH project site para sa Dreams Residences at lumagda ng kasunduan para sa pagpapatuloy ng Vinta Residencia sa Barangay Salaan, pawang sa Zamboanga City.
Inilunsad din ang Sikat High Park Residencia sa Barangay Layuhan na pangangasiwaan naman ng National Housing Authority (NHA).
Sa Zamboanga City, target ng DHSUD na makapagtayo ng 25,000 housing units sa ilalim ng 4PH.
Una rito, sinuri ng DHSUD team ang NHA project para sa Badjaos sa Barangay Kasanyangan, Zamboanga City para mapaganda ang site.
“Ang mga proyektong ito ay patunay na walang maiiwan sa 4PH ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. Itutuloy po natin ang pangarap ng kanyang ama na tulungan ang lahat ng Pilipino na magkaroon ng sariling tahanan na ligtas at disente. Asahan n’yo po na ang DHSUD ay patuloy na magsusumikap upang maisakatuparan ito. Samahan nyo po kami upang tayo’y lalong magtagumpay,” dagdag ni Acuzar.
- Latest