PTFoMS, nabahala sa kasong murder vs. Masbate journos
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkabahala ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa kinakaharap na kaso ng dalawang local journalists na nakabase Masbate kaya hiniling na nito sa Provincial Prosecutor’s Office na maglabas ng klaripikasyon hinggil sa pagsasampa ng kasong pagpatay o murder laban sa dalawa, na inakusahan din na mga miyembro umano ng local communist terrorist movement.
Sa kanyang liham kay Masbate Provincial Prosecutor Jeremias Mapula, humingi rin si PTFoMS executive director Paul M. Gutierrez ng katiyakan na tatalima ito sa mga probisyon ng Department Circular 20 (DC20), series of 2023, na inisyu ng Department of Justice (DOJ), sa pagtukoy sa mga local broadcasters na sina Benjamin Gigante and Jose Alfaro bilang miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), at mayroong sapat na ebidensiya na nagtuturo sa kanila bilang kalahok, kasama ang dalawa pang kasabwat, sa pagpatay sa isang Richard Bauso noong Abril 6, 2024, sa bayan ng Cawayan.
Partikular na humingi si Gutierrez ng paglilinaw kung ang sinasabing pagkakasapi nina Gigante at Alfaro sa CPP-NPA ay na-validate ba ng mga kaukulang intelligence units ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP).
Pinaalalahanan din ni Gutierrez si Mapula na bilang mekanismo ng gobyerno para tugunan ang lahat ng paglabag sa karapatan sa buhay, kalayaan, at seguridad ng lahat ng miyembro ng media, ang PTFoMS, ay pinamumunuan ng Kalihim ng DOJ, “at may buong suporta ng lahat ng mga attached agencies ng DOJ, kabilang na ang National Prosecution Service (NPS)” na aniya ay kinabibilangan nito.
Tinukoy rin ni Gutierrez ang isang naunang insidente, kung saan binawi ng lokal na hukuman ang warrant of arrest laban kina Gigante, Alfaro, at tatlong iba pang local journalists noong Hulyo 26, kaugnay sa pagpatay sa isang Virgil Arriesgado noong Agosto 2022 na may criminal information na inihanda rin ni Mapula.
Ang kasong murder laban sa mga Masbate mediamen ay pagkatapos nilang magsampa ng kasong graft at plunder sa Ombudsman laban sa Masbate provincial LGU officials kaugnay sa mga maanomalyang ghost infrastructure projects sa nasabing probinsya.
Sinabi ni Gutierrez na ang “SLAPP suit” ay isang “retaliatory legal act” na naglalayong takutin at i-distract ang isang akusado mula sa pagpapatuloy ng kanyang orihinal na reklamo laban sa mga taong nag-aakusa sa kanya o ‘di kaya ay supilin ang kanyang karapatan sa malayang pananalita at pagpapahayag.
- Latest