Seaman inatake ng armado sa bahay, pinatay
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Bulagta ang isang apprentice seaman matapos atakihin at barilin ng isang armado sa loob ng kanyang tahanan habang natutulog kasama ang kanyang live-in partner sa Barangay Boot, Tanauan City, Batangas kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng Tanauan Police ang biktima na si Reymar Maya Rafol, nasa apprentice status at nakatalaga sa Philippine Coast Guard (PCG) sa Taguig City.
Si Rafol ay idineklarang dead-on-the-spot sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon sa pulisya, habang magkasamang natutulog ang nasabing tripulante at live-in partner sa kanilang kuwarto nang biglang dumating ang hindi kilalang suspek na armado ng baril.
Biglang binuhusan ng suspek ng tubig mula sa timba ang bintana ng bahay at winasak ang harapang pintuan nito sa Sitio Paradise dakong ala-1:15 ng madaling-araw.
Dulot nito, nagising ang babae at binuksan nito ang ilaw ng kanilang kuwarto. Dito na nakakuha ng tiyempo ang suspek na barilin ang nasabing baguhang tripulante mula sa bukas na bintana.
Tinukoy ng pulisya ang suspek na nasa hustong edad, nakasuot ng black jacket at pants, at armado ng hindi pa batid na kalibre ng baril.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek sakay ng itim na motorsiklo patungo sa hindi malamang direksyon.
- Latest