Maliliit na pagputok, naitala sa Bulkang Mayon
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nagbabala ang Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa mga mamamayan ng Albay na mag-ingat at huwag pumasok sa mga danger area dahil sa peligro ng maliliit na uri ng pagputok matapos ang nangyaring mahinang phreatic eruption noong Huwebes ng gabi.
Kinumpirma ni Phivolcs-Legazpi City resident volcanologist Dr.Paul Carlson Alanis na nagkaroon ng maliliit na phreatic eruption dakong alas-6:16 ng gabi kung saan umabot ng 200-metro ang taas ng ibinugang abo na agad namang nawala.
Inaasahan na umano ang pagkakaroon ng maliliit na pagputok ng Mayon dahil sa nananatiling nakataas dito ang alert level 1.
Ayon naman kay Phivolcs monitoring and eruption division chief Mariton Bornas, kailangan ang masusing pag iingat ng mga residente sa palibot ng bulkan dahil inaasahan na ang pagkakaroon ng mga steam driven phreatic eruption ngayong nagsimula na uli ang mga pag-ulan lalo na kapag pumapasok ang malamig na tubig ulan sa mainit na crater ng bundok.
Nagbabala rin ito sa posibleng pagragasa ng lahar. Patuloy umano sila sa mahigpit na pagmo-monitor sa bulkan.
- Latest