Killer ng mag-asawang Australian at Pinay sa Tagaytay hotel, sumuko
Paghihiganti motibo sa krimen
MANILA, Philippines — Isang dating empleyado na tinaguriang nag-iisang suspek sa pagpatay sa mag-asawang Australian at kasama nilang Pilipina sa loob ng isang luxury hotel sa Tagaytay City ang sumuko na sa mga awtoridad sa Tuy, Batangas, ayon sa binuong Special Investigation Task Group (SITG) kahapon.
Tinukoy ni Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas, Calabarzon police director, ang suspek na si alyas “Roger”, 33, dating attendant ng The Lake Hotel at residente ng Amadeo, Cavite.
Si alyas Roger na nahaharap sa kasong ”robbery with multiple homicide” ay sumuko muna kay Tuy, Batangas Mayor Jey Cerrado matapos siyang magtago sa nasabing bayan kasunod ng ginawang karumal-dumal na krimen.
Itinurn-over siya ni Mayor Cerrado kay Tagaytay City Mayor Abraham Tolentino ng Tagaytay City bago siya iharap sa mga awtoridad ng pulisya.
Lumalabas na si “Roger” ay dating empleyado ng Lake Hotel bilang pool attendant at siya ay na-terminate sa kanyang trabaho noong Marso, dahil din sa umano’y sa kaso ng pagnanakaw sa isa sa mga kuwarto ng hotel at humingi umano ito ng backpay nang siya ay sibakin pero tinanggihan ng hotel management.
Nang muling palihim na pumasok ang suspek sa Lake Hotel, nakita niyang bukas ang bintana ng Room 103 kung saan naka-check-in ang mag-asawang Australian citizen kasama ang isang Pinay na manugang ng babaeng biktima.
Agad pinasok ng suspek sa kanilang guest room ang mga biktima at pinagnakawan. Hindi pa nakuntento, ginilitan nito ang lalaking Australian habang tinakpan ng packing tape ang mga bibig ng dalawang babae hanggang sa malagutan ng hininga, bago tumakas.
Nitong Hulyo 10, natagpuan sa Room 103 ng nasabing hotel ang mga wala nang buhay na sina David James Fisk, 57, taga-Sydney Australia; asawang si Lucita Barquin Cortez, 55, tubong Tacloban, Leyte, na isa na ring Australian citizen, at Mary Jane Cortez, 30, manugang ni Lucita.
Lumalabas na pagnanakaw at paghihiganti ang sinasabing motibo sa krimen.
Ayon kay Lucas, ang masusing imbestigasyon ng “SITG David Fisk” kasama ang mga miyembro ng Tagaytay City Police Station at sa pag-backtrack ng CCTV footage ay natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek kaya inilunsad ang follow-up operation laban sa huli.
Samantala, ang mga labi ni David James Fisk ay dinala na pabalik sa Sydney, Australia.
- Latest