Baha rumagasa: 7 paslit tangay, 400 bahay nasira
COTABATO CITY, Philippines — Pitong bata ang tinangay ng rumaragsang baha at dalawa sa kanila ang patay na narekober ng mga awtoridad nitong Huwebes habang 10,000 pamilya ang naapektuhan nang masira ang may 400 kabahayan dahil sa patuloy na pag-ulan sa mga barangay sa hangganan ng Maguindanao del Norte at Lanao del Sur nitong gabi ng Martes.
Sa mga hiwalay na ulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at ng local government unit ng Matanog sa Maguindanao del Norte, agad na hinatid ng mga rescuers ng Bureau of Fire Protection, PRO-BAR at 1st Marine Brigade sa kanilang pamilya ang bangkay ng mga batang sina Norhaina Butil, 11-anyos, at ang 3-taong gulang niyang kapatid na si Norhaine, na natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Barangay Campo Uno sa Matanog.
Hinahanap pa ng mga rescue teams ang isa pang kapatid ng dalawang nasawi na si Razul, 7-anyos, at ang dalawa pang bata na ang isa sa kanila ay special child, mula naman sa isang pamilya sa karatig na barangay sa naturan ding bayan, makarang tangayin din sila ng baha kasunod ng malakas at paulit-ulit na pag-ulan sa mga kabundukan sa kanilang lugar.
Ayon kay Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng PRO-BAR, may hinahanap pang dalawang grade school pupils, na sina Sheila at kapatid na si Ela Abdullah, na tinangay din ng rumaragasang baha na tumama at sumira sa kanilang bahay sa Barangay Molimok sa Balabagan, Lanao del Sur, may ilang kilometro lang ang layo mula sa Matanog.
Ayon sa iba’t ibang mga ahensya ng Bangsamoro government, mahigit 400 na mga bahay sa Matanog at sa mga hindi kalayuang mga bayan ng Kapatagan, Balabagan at Malabang sa Lanao del Sur ang sinira ng baha nitong gabi ng Martes na nakaapekto ng mahigit 10,000 na katao, ngayon inaalalayan ng tanggapan ni Bangsamoro Social Welfare Minister Raissa Jadjurie na personal na namamahala ng pamimigay ng relief supplies sa kanila.
- Latest