5 bandido, pulis todas sa engkuwentro!
3 pang miyembro ng SAF sugatan
COTABATO CITY , Philippines — Patay ang limang bandido at isang miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police sa isang madugong engkuwentro sa Barangay New Panay sa Aleosan, Cotabato nitong umaga ng Martes, July 9, 2024.
Sa pahayag nitong Miyerkules in Brig. Percival Augustus Placer, director ng Police Regional Office-12, magsasagawa sana ng mapayapang search operation ang isang grupo ng mga pulis sa hideout ni Macabuat Salik sa Purok 7 sa Barangay New Panay sa Aleosan, kung saan may naka-iimbak diumano na shabu at mga assault rifles, ngunit pumalag siya at ang apat na mga kasama, namaril ng walang habas kaya nagkapalitan ng putok.
Minalas na napatay sa naturang engkwentro si Police Corporal Jed Michael Gregorio na mula sa isang SAF unit na sakop ng PRO-12, pati si Salik na matagal nang minamanmanan ng pulisya at Army units sa probinsya dahil sa kanyang mga illegal na gawain, at ang apat niyang mga kapwa bandido na nakunan pa ng mga baril sa tabi ng kanilang mga bangkay.
Tatlo pang kasapi ng SAF ang sugatan sa insidente na agad namang naisugod sa pagamutan upang malapatan ng lunas.
Ayon kay Placer, ang dapat sana ay mapayapang search operation ng mga kasapi ng Aleosan Municipal Police Station, ng SAF at ng Cotabato Provincial Police Office na nauwi sa engkwentro ay isinagawa batay sa kautusan ng isang korte sa isa sa mga bayan sa probinsya ng Cotabato.
- Latest