Sugatang pulis nakapatay ng drug dealers, pinarangalan
COTABATO CITY, Philippines — Ginawaran ng medalya nitong Linggo ang isa sa mga pulis na nakapatay ng dalawang notorious na shabu dealers sa isang engkuwentro kamakalawa sa Bongao, Tawi na nagtamo ng mga tama ng bala sa naturang insidente.
Maliban sa “Medalya ng Sugatang Magiting”, binigyan din ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang sugatang si Patrolman Abdulmijir Usman Kali, Jr. ng cash na ayuda para sa kanyang iba pang mga pangangailangan habang ginagamot ang kanyang mga sugat sa West Metro Medical Center sa Zamboanga City.
Ayon kay Tanggawohn, si Kali, kasapi ng 1405th ng Regional Mobile Force Battalion 14-B ng PRO-BAR, ay kasama sa isang pangkat na naatasang siyasatin nitong gabi ng Biyernes ang naiulat na presensya ng isang grupo ng mga shabu dealers sa palengke sa Barangay Poblacion, Bongao ngunit agad silang pinaputukan ng mga suspek kaya nagkaengkwentro.
Bagama’t sugatan na, nagawa pa ni Kali at mga kasama na gumanti ng putok kaya nila napatay ang dalawa sa anim na drug dealers na nagtipon sa isang lugar sa Bongao public market.
Nakunan ng dalawang .45 caliber pistol at P34,000 na halaga ng shabu ang dalawang suspek na napatay sa naturang anti-narcotics operation, ayon sa magkakahiwalay na paunang ulat sa tanggapan ni Tanggawohn, ng Bongao Municipal Police Station at Tawi-Tawi Provincial Police Office.
- Latest