100 pabahay kaloob ng NHA sa tribong Subanen
MANILA, Philippines — Pinagkalooban ng National Housing Authority (NHA) ng 100 Pabahay ang tribong Subanen sa Lison Valley Tribal Village, Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Ayon kay NHA General Manager Joeben A. Tai ang naturang Pabahay ay may komportableng espasyo na binubuo ng 20-square-meter floor area at 80-square-meter lot, kabilang ang indibidwal na septic tank.
Binigyang diin ni GM Tai na sa pamamagitan ng Pabahay ay mapapaganda ang estado ng pamumuhay ng mga Subanen bukod sa mapanatili pa rin ang paniniwala, kultura at tradisyon ng tribo sa kanilang mga bagong tahanan.
Ang naturang pabahay ay nasa loob ng ancestral domain ng tribo.
Ayon kay GM Tai, ang inisyatibang ito ay bahagi ng Housing Assistance Program for Indigenous Peoples (HAPIP) ng ahensya.
Sa pamamagitan ng HAPIP, nakikipagkoordinasyon ang NHA sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at mga lokal na pamahalaan para matulungan ang mga katutubong komunidad.
Ang programang ito ay umaayon sa Republic Act 8731, o ang Indigenous Peoples Rights Act of 1997, na sinisiguro ang mga karapatan ng mga katutubong Pilipino.
- Latest