187 dayuhan at Pinoy, huli sa POGO raid!
MANILA, Philippines — Umaabot sa 187 empleyado ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na karamihan ay mga dayuhan ang dinakip sa isinagawang pagsalakay ng awtoridad kamakalawa ng gabi sa Angeles City, Pampanga.
Sa bisa ng search warrant, pinasok ng pinagsanib na puwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), PNP-Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG) at PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG) ang POGO hub na “Lucky South 99” sa Grand Palazzo Royale, Friendship Highway, Angeles City, Pampanga dahil sa ulat na ginagamit umano ito sa human trafficking.
Ayon kay PAOCC Spokesperson Winston Casio, sa nasabing bilang ng mga inaresto, 29 dito ay mga Pinoy, 126 ang Chinese national, 23 ang Vietnamese, apat ang Malaysian national, apat na Myanmar national at isang Korean national.
Sinabi pa ni Casio na bukod sa nahuling mga empleyado ay nasagip sa lugar ang isang Chinese na umano’y biktima ng kidnapping.
Bukod rito, may nakita ring kuwarto na pinaniniwalang “torture area” ng mga lalaking dayuhan.
Nagsagawa pa rin ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa posibleng mga nasa likod ng operasyon ng POGO.
Kasalukuyang sumasalang sa immigration biometrics ang mga dinakip.
- Latest