Miyembro ng Philippine Air Force, nalunod sa ilog
MANILA, Philippines — Patay ang isang miyembro ng Philippine Air Force (PAF) nang malunod sa ilog sa Tanay, Rizal kamakalawa ng hapon.
Naisugod pa ang biktimang si Pvt. James Tacuyan, 27-anyos, aktibong kasapi ng PAF at residente ng Grace Ville I Subd., San Jose Del Monte City, Bulacan, sa Army Station Hospital ng Camp General Mateo Capinpin, sa Brgy. Sampaloc, Tanay, Rizal ngunit dead-on-arrival na ito.
Lumilitaw sa ulat ng Tanay Municipal Police Station na dakong alas-3:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa Daraitan River, Brgy. Daraitan, sa Tanay.
Ayon sa mga testigong sina Pvt. Nelson Sales, 23; at Pvt. Marlou Vigo, 25, kasamahan ng biktima, nagulat na lang sila nang makitang pinagkakaguluhan na ng mga tao si Tacuyan, na noon ay wala umanong malay at binibigyan ng CPR ng isang concerned citizen.
Nang alamin kung ano ang nangyari, sinabi umano ng mga residente na nalunod ang biktima sa ilog kaya’t kaagad nila itong isinugod sa pagamutan pero hindi na umabot pang buhay. — Cristina Timbang
- Latest