^

Probinsiya

Mayor at VM ng Antique, nagsapakan dahil sa ayuda

Doris Franche-Borja - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Nauwi sa sapakan at suntukan ang pagtatalo ng alkalde at bise alkalde ng Tobias Fornier sa Antique dahil sa pamamahagi ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residenteng apektado ng El Niño.

Ang away nina Mayor Ernesto Tajanlangit III at Vice Mayor Jose Maria Fornier ay nakuhanan ng video at viral ngayon sa social media.

Nakita sa video ang pagsakay ni VM Fornier sa truck para paandarin ang sasakyan subalit sumakay rin ang alkalde at nag-agawan sila sa susi.

Ilang sandali, lumipat ang dalawa sa likurang bahagi ng truck na nakabukas ang pinto at makikita ang kahon-kahon na food packs. Dito isinara ni VM For­nier ang pinto ng truck at natamaan niya si Mayor Tajanlangit kaya doon na nagpakawala ng suntok ang alkalde sa kaniyang bise alkalde.

Ang ugat umano ng sigalot, ang 800 family food packs na mula sa DSWD na ipamamahagi dapat sa mga residenteng apektado ng El Niño.

Sa pahayag na inilabas ni VM Fornier sa kaniyang social media account, sinabi niyang siya ang humiling ng mga food packs na ipamamahagi sa mga residenteng hindi makatatanggap ng ayuda.

Nang bumalik umano ang truck mula sa bayan ng San Jose, hinarang ito ng grupo ng alkalde sa Brgy. Balud, Tobias Fornier, kung saan nangyari ang kanilang pagtatalo.

Iginiit naman ni Mayor Tajanlangit, hindi nasunod ang proseso sa pamamahagi ng food packs kaya niya ito pinigilan.

Ayon pa sa alkalde, nang puntahan ang bodega kung saan dadalhin umano ang mga food packs, may nakita pang 1,000 kahon.

Samantala, magsasampa ng reklamong slight physical injury si VM Fornier laban kay Mayor Tajanlangit dahil sa panununtok.

Kakasuhan naman ni Tajanlangit si Fornier ng administratibo kaugnay sa umano’y delay na pamamahagi ng ayuda dahil umano sa panghihimasok nito.

ANTIQUE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with