Mini-science centrum binuksan sa Calabarzon
QUEZON, Quezon, Philippines — Pormal nang binuksan ang ikalawang Mini-Science Centrum sa Calabarzon Region at sa alawigan ng Quezon kamakalawa sa Cesar C. Tan Memorial National High School, sa bayang ito.
Ang paglulunsad ay pinangunahan ng Department of Science and Technology (DOST)-Calabarzon katuwang ang Philippine Foundation for Science and Technology (PFST), Department of Education (DepEd) Calabarzon, Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon at lokal na pamahalaan ng bayan ng Quezon.
Ang Mini-Science Centrum ay bahagi ng programang Community Empowerment thru Science and Technology (CEST) ng DOST at ng proyektong “Establishment of Mini Science Centrum for Selected Island Municipalities in Quezon Province”.
Layon umano nito na ipakita ang mga interactive at natatanging exhibit sa mga konsepto at proseso ng agham na makakatulong sa mga guro at mag-aaral sa islang bayan.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum, Jr., sa pamamagitan ng science centrum ay nagiging accessible at available ang science at technology sa mga Pilipino lalo’t higit sa mga kabataan.
Umaasa si Solidum na maging foundational stepping-stone ng mga kabataan ang naturang science centrum para maging inspired at motivated na mag-pursue ng career sa Science, Technology, Engineering at Mathematics.
Nagpahayag naman ng pasasalamat sina Governor Doktora Helen Tan, 4th District Congressman Atorni Mike Tan at Quezon, Quezon Mayor Juan Escolano sa DOST at mga katuwang sa programa.
Matatandaan na inilunsad ang unang Mini Science Centrum ng rehiyon at sa bayan ng Polillo noong nakaraang taon.
- Latest