3 jewelry store pinasok ng kawatan, ATM machine nilimas
MANILA, Philippines — Mahigit P2 milyon halaga ng pera at alahas ang natangay ng mga kawatan matapos na pasukin ang isang jewelry store at ransakin ang isang ATM machine sa loob ng isang mall sa Zamboanga City nitong Martes ng gabi.
Batay sa spot report ng Police Regional Office (PRO) 9, alas-9:30 ng umaga nitong Miyerkules ng matuklasan ang ginawang pagnanakaw ng mga suspek sa loob ng Yubenco Star Mall na matatagpuan sa kahabaan ng Maria Clara Lorenzo Lobregat Highway Barangay Putik ng nasabing lungsod.
Ayon kay PLt. Col. Helen Galvez, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 9, lumilitaw sa imbestigasyon ng Zambaonga City Police Station 5 na isinagawa ng mga suspek ang panloloob alas-10 ng gabi nitong Martes hanggang madaling araw ng Miyerkules.
Dumaan ang tatlong suspek sa manhole at binaybay ang drainage system patungo sa loob ng grocery stall ng mall.
Naglagay pa ng mantika ang mga ito sa entrance at exit ng establisimyento upang mahirapan ang mga security guard sa pagresponde .
Winasak din ng mga suspek ang steel matting at winasak ang padlock ng roll up doors saka nila pinasok ang tatlong tindahan ng mga alahas at nilimas ang mga alahas na naka display sa estante.
Nasira rin ng mga suspek ang vault ng isa sa mga tindahan ng alahas at kunin ang mga pera dito gayundin ang dalawang ATM na niransak din nila ang lamang pera.
Sa ngayon ay nag-request na ang pulisya ng kopya ng CCTV camera ng mall habang patuloy ang ginagawang follow-up operation sa posibleng pagkilala at pagdakip ng mga suspek.
- Latest