4 sasakyan inararo ng bus: 3 todas, 29 sugatan
MANILA, Philippines — Patay ang tatlong katao habang 29 ang sugatan nang araruhin ng isang pampasaherong bus ang apat na iba pang mga sasakyan sa Olongapo-Gapan Road, Brgy. Bangal, Dinalupihan, Bataan,kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PCpt. Ernesto Clemente II Bataan Police Provincial Public Information Officer, kabilang sa namatay ay dalawang empleyado ng Subic Free Port at isang estudyante.
Sa ulat, bago nangyari ang aksidente, alas-6:25 ng gabi ay tinatahak ng Arayas Express Bus na minamaneho ni Edwin Sandoval, 54 ang kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue, patungong Olongapo City.
Nang magtangka itong mag-overtake sa isang truck pagdating sa pakurbang bahagi ng kalsada dahilan para mawalan ng kontrol at una nitong nasalpok ang kasalubong na jeep na puno ng pasahero.
Kasunod ay nabangga ang motorsiklo at isang may sakay na tricycle at ang isang nakaparadang tricycle.
Agad nagresponde ang emergency responder mula sa Olongapo City, Dinalupihan at SBMA.
Nasa 29 ang nasugatan kasama ang driver at konduktor ng bus sa James Gordon Memorial Hospital at sa Dinalupihan District Hospital.
Halos inabot ng 4 na oras bago nahugot ang isang lalaking naipit sa jeep at ang isang pasahero na naipit naman sa bus.
Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Multiple Homicide, Multiple Physical Injuries at Damage to Properties si Sandoval.
- Latest